Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Diabetes: Pangkalahatang-ideya

Ang diabetes ay isang pangmatagalang problema sa kalusugan. Nangangahulugan ito na hindi nakakagawa ng sapat na insulin ang iyong katawan. O maaaring mangahulugan ito na hindi magamit ng iyong katawan ang insulin na ginagawa nito. Ang insulin ay isang hormone sa iyong katawan. Hinahayaan nitong maabot ng asukal sa dugo (glucose) ang mga selula sa iyong katawan. Kailangan ng lahat ng iyong selula ng glucose para sa pagpapalakas.

Namumuo ang glucose sa iyong dugo kapag mayroon kang diabetes. Ito ay dahil hindi ito makapasok sa mga selula. Tinatawag itong mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia).

May iba't ibang uri ng diabetes. Ito ay ang type 1 diabetes at type 2 diabetes. Masasabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ang mayroon ka at kung ano ang ibig sabihin nito para sa iyong pangangalaga.

Magtanong sa iyong pangkat ng pangangalaga sa diabetes tungkol sa isang serbisyong tinatawag na pagtuturo at suporta sa pansariling pamamahala sa diabetes (diabetes self-management education and support, DSMES). Matututo ka ng mga kasanayan upang matulungan kang pamahalaang nang mas mabuti ang iyong diabetes at humanap ng suporta kapag kailangan mo ito. Maaaring maibigay ang serbisyong ito sa isang grupo o nang sarilinan kasama ang iyong team. Maaari din itong available sa pamamagitan ng telehealth.

Mga lebel ng asukal sa dugo

Nakadepende sa ilang bagay ang lebel ng iyong asukal sa dugo. Kabilang sa mga ito ang pagkain, gamot, insulin, at ehersisyo.

Maaaring ipakita sa iyo ng iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan kung paano suriin ang iyong asukal sa dugo. Sasabihin din nila sa iyo kung gaano ito kadalas susuriin. Itanong kung anong target na range ang tama para sa iyo. Ang normal na mga lebel ng asukal sa dugo ay madalas na:

  • 80 mg/dL hanggang 130 mg/dL bago kumain

  • Mas mababa sa 180 mg/dL sa pagitan ng 1 hanggang 2 oras pagkatapos ng pagsisimula ng pagkain

Maaaring magdulot ang mga bagay na ito ng mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia):

  • Labis na pagkain ng ilang partikular na pagkain

  • Hindi pag-inom ng mga gamot para sa diabetes sa tamang oras, paglaktaw ng mga dosis, o pag-inom ng mas kaunting gamot kaysa inireseta

  • Stress

  • Sakit, tulad ng sipon o trangkaso

  • Impeksiyon

  • Pag-eehersisyo nang mas kaunti kaysa nakaplano

Maaaring magdulot ang mga bagay na ito ng mababang asukal sa dugo (hypoglycemia):

  • Nalalampasan ang mga pagkain

  • Hindi kumakain ng sapat na pagkain pagkatapos uminom ng gamot para sa diabetes

  • Paggawa ng hindi nakaplano o matinding ehersisyo

  • Pag-inom ng labis na gamot para sa diabetes

Mga komplikasyon

Maaaring maging sanhi ang diabetis ng malulubhang problema sa paglipas ng panahon kung hindi ito napamahalaan nang mabuti. Kabilang sa mga problemang ito ang:

  • Sakit sa puso

  • Diabetic ketoacidosis

  • Stroke

  • Pagpalya ng bato

  • Pagkabulag

  • Pagkasira ng nerbiyo (neuropathy)

  • Pagkawala ng pakiramdam sa mga binti at paa

  • Pagkamatay ng tisyu (gangrene)

Maaari mong maiwasan o iantala ang mga problemang ito sa pamamagitan ng pananatiling nakokontrol ang iyong asukal sa dugo.

Pangangalaga sa tahanan

Sundin ang mga tagubiling ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:

  • Sundin ang diyeta na ibinigay sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Uminom ng insulin o iba pang gamot para sa diabetes ayon sa itinagubilin.

  • Suriin ang iyong asukal sa dugo ayon sa ipinayo sa iyo. Magtabi ng talaan ng iyong mga resulta. Ibahagi ang mga resulta sa iyong tagapangalaga. Makatutulong ito sa kanila na baguhin ang iyong mga gamot kung kinakailangan upang panatilihing kontrolado ang iyong asukal sa dugo.

  • Itanong sa iyong tagapangalaga kung ano ang iyong tamang timbang. At gumawa ng mga hakbang para makamit ang timbang na iyon. Matutulungan ka ng iyong tagapangalaga. Maaari mong mabawasan o hindi na kailangang uminom ng gamot sa diabetes kung kumakain ka nang maayos at nag-eehersisyo.

  • Huwag manigarilyo. Pinalalala ng paninigarilyo ang mga epekto ng diabetes sa iyong sirkulasyon. Mas malamang na magkaroon ka ng atake sa puso kung mayroon kang diabetes at naninigarilyo ka. Huwag ding gumamit ng mga produktong e-cigarette, o pang-vape.

  • Pangalagaang mabuti ang iyong mga paa. Maaaring hindi mo mapansin ang pinsala o impeksiyon kung nawalan ka ng pakiramdam sa iyong mga paa. Suriin ang iyong mga paa at ang pagitan ng mga daliri ng iyong paa kahit isang beses sa isang araw. Gumamit ng salamin para tingnan ang mga ilalim ng iyong mga paa.

  • Magsuot ng isang pulseras o kuwintas na alertong medikal. O magdala ng card sa iyong pitaka na nagsasabing mayroon kang diabetes. Tutulong ito sa mga tagapangalaga ng kalusugan na mabigyan ka ng tamang pangangalaga kung magkasakit ka nang malubha at hindi mo masabi sa kanila na mayroon kang diabetes.

Plano sa araw na maysakit

Kung magkaroon ka ng sipon, trangkaso, o impeksiyon, sundin ang mga hakbang na ito maliban kung iba ang itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan:

  • Tingnan ang iyong plano para sa sakit na diabetes. Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa itinagubilin sa iyo. Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga kung:

    • Ang iyong asukal sa dugo ay mataas sa 240 mg/dL (o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan) habang iniinom ang iyong gamot sa diabetes

    • Ang mga lebel ng iyong ketone sa ihi ay mataas sa normal o mataas

    • Nagsusuka ka sa loob ng mahigit sa 6 na oras

    • Nahihirapan kang huminga o amoy prutas ang iyong hininga

    • Mayroon kang lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

    • Mayroon kang lagnat sa loob ng ilang araw at hindi ka gumagaling

    • Nahihilo ka at mas inaantok kaysa karaniwan

  • Ipagpatuloy ang pag-inom ng iyong mga tableta para sa diabetes (gamot na iniinom) kahit na nagsusuka o maysakit ka, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga. Ito ay dahil maaaring kailangan mo ng insulin para mapababa ang iyong asukal sa dugo hanggang sa gumaling ka sa iyong sakit.

  • Panatilihin ang paggamit ng iyong insulin kahit na nagsusuka at pakiramdam na may sakit ka, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga. Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga para itanong kung kailangan mong baguhin ang dosis ng iyong insulin. Nakadepende ito sa mga resulta ng iyong asukal sa dugo at sa uri ng sakit o mga sintomas na mayroon ka.

  • Suriin ang iyong asukal sa dugo bawat 2 hanggang 4 na oras, o hindi bababa sa 4 na beses sa isang araw.

  • Suriin nang madalas ang iyong ketones. Bantayan ang mga ito nang mas madalas kung nagsusuka ka o may pagtatae.

  • Huwag laktawan ang mga pagkain. Subukang kumain ng mga kakaunting pagkain sa regular na iskedyul. Gawin ito kahit wala kang ganang kumain.

  • Uminom ng tubig o iba pang likido na walang caffeine o calories. Pipigilan ka nito na ma-dehydrate. Kung naduduwal ka o nagsusuka, unti-unting sumipsip ng tubig bawat 5 minuto. Upang maiwasan ang dehydration, subukang uminom ng isang tasa (8 onsa) ng mga likido bawat oras habang gising ka.

Gamutin ang mababang asukal sa dugo (hypoglycemia)

Maaaring isang emergency ang mababang asukal sa dugo. Palaging magdala ng pagkukunan ng asukal na mabilis ang bisa. Ito ay kung sakaling magkaroon ka ng mga sintomas ng mababang asukal sa dugo (hypoglycemia). Ibig sabihin nito na mababa sa 70 mg/dL o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Sa unang senyales ng mababang asukal sa dugo, kumain o uminom ng 15 gramo ng asukal na mabilis ang bisa para pataasin ang iyong asukal sa dugo. Ang mga halimbawa ay:

  • 3 hanggang 4 na tableta ng glucose (sundin ang mga tagubilin sa pakete). Mabibili mo ang mga ito sa karamihang botika.

  • 4 na onsa (1/2 tasa) ng regular na (hindi diet) soft drink

  • 4 na onsa (1/2 tasa) ng anumang katas ng prutas

  • 1 kutsara ng asukal o honey

Suriin ang iyong asukal sa dugo 15 minuto pagkatapos gamutin ang iyong sarili. Kung mababa pa rin sa 70 mg/dL, kumonsumo ng 15 pang gramo ng asukal na mabilis ang bisa. Muling suriin ang iyong asukal sa dugo sa loob ng 15 minuto. Kung bumalik sa normal ang iyong asukal sa dugo (70 mg/dL o higit pa), kumain ng meryenda o pagkain para panatilihing nasa ligtas na range ang iyong asukal sa dugo. Kung nananatili itong mababa, tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o pumunta sa emergency room.

Kung nagkaroon ka ng matitinding yugto ng mababang asukal sa dugo, tiyakin na mayroon sa iyong pamilya na marunong magturok ng glucagon sa iyo. Patataasin nito ang iyong asukal sa dugo kung wala kang malay at hindi makakain ng anumang tableta o pagkaing nabanggit sa itaas.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa diabetes, bisitahin ang Website ng American Diabetes Association sa www.diabetes.org. O maaari kang tumawag sa 800-342-2383.

Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinmang sintomas ng mataas na asukal sa dugo:

  • Madalas na pag-ihi

  • Pagkaantok

  • Pagkauhaw

  • Pananakit ng ulo

  • Masakit ang tiyan (pagduduwal) o pagsusuka

  • Pananakit ng tiyan (abdomen)

  • Mga pagbabago sa paningin

  • Mabilis na paghinga

Tumawag din kaagad sa iyong tagapangalaga kung mayroon ka ng alinman sa mga palatandaang ito ng mababang asukal sa dugo at hindi nawawala ang mga ito gamit ang mga iminungkahing paggamot na nabanggit:

  • Matinding pagkapagod (pagkahapo)

  • Pananakit ng ulo

  • Mga panginginig

  • Panginginig

  • Labis na pagpapawis o panlalamig

  • Pagkagutom

  • Pakiramdam ng pagkabalisa o hindi mapakali

  • Mga pagbabago sa paningin

  • Pagkaantok

  • Panghihina

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:

  • Pananakit ng dibdib

  • Kakapusan sa hininga

  • Pagkahilo o pagkahimatay

  • Panghihina ng isang bisig o binti o isang panig ng mukha

  • Problema sa pagsasalita o paningin 

  • Pagkalito o pagkawala ng malay

Online Medical Reviewer: Jessica Gotwals BSN MPH
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Robert Hurd MD
Date Last Reviewed: 12/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer