Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Bronchitis, Mga Antibiotic (Bata)

Ang bronchitis ay inflammation at pamamaga ng mga daanan ng hangin (bronchial tubes) sa mga baga. Kadalasan nang sanhi ito ng impeksyon. Kasama sa mga sintomas ang tuyo, magaralgal na pag-ubo na lumalala sa gabi. Ang pag-ubo ay may kasamang madilaw na berdeng plema (mucus). Maaari ding huminga nang mabilis ang iyong anak, mangapos ang paghinga o sumingasing. Maaaring mayroon siyang lagnat. Maaaring kasama sa mga sintomas ang pagkahapo, kawalan ng ginhawa sa dibdib, at pangangaligkig.

Harapang kuha ng dibdib ng bata na ipinakikita ang mga baga. Nakasingit na larawan na nagpapakita ng cross section ng bronchus.

Maaaring maikalat ang sakit na ito sa ibang tao sa unang ilang araw. Naikakalat ito sa hangin sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing. Maaari din itong maikalat sa pamamagitan ng direktang pagkontak. Nangangahulugan ito na paghawak sa taong maysakit at pagkatapos ay paghawak sa sarili mong mga mata, ilong, o bibig.

Sanhi ng bakterya ang bronchitis ng iyong anak. Nilulunasan ito gamit ang gamot na antibayotiko. Maaari ding ibigay ang mga gamot upang tumulong para mapaginhawa ang mga sintomas. Maaaring tumagal ang mga sintomas hanggang 2 linggo. Maaaring mas magtagal pa ang ubo.

Pangangalaga sa tahanan

Sundin ang mga tagubilin na nasa ibaba kapag nangangalaga sa iyong anak sa bahay.

Mga karaniwang payo sa pangangalaga

  • Hugasang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig bago at pagkatapos asikasuhin ang iyong anak. Ito ay para makatulong na mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon.

  • Ilayo sa usok ng tabako ang iyong anak. Maaari nitong palalain ang mga sintomas ng iyong anak.

Pagbibigay ng mga gamot

  • Ibigay ang gamot na antibayotiko sa iyong anak nang eksakto ayon sa itinagubilin. Huwag itigil ang pagbibigay nito, kahit bumuti na ang pakiramdam ng iyong anak. Siguraduhin na inuubos nila ang lahat ng gamot na antibayotiko.

  • Maaaring resetahan ang iyong anak ng gamot na bronchodilator. Ito ay para makatulong sa paghinga. Maaari itong isang spray o inhaler. Maaari itong isang likido na sinisinghot mula sa isang device na tinatawag na nebulizer. Ipagamit sa iyong anak ang gamot nang eksakto sa mga oras na ipinayo. Sundin ang mga instruksyon para sa pagbibigay ng mga gamot na ito sa iyong anak.

  • Maaaring magreseta ng gamot ang tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak para sa ubo, pananakit, o lagnat.

  • O maaari kang gumamit ng gamot na nabibili nang walang reseta batay sa edad at timbang para sa lagnat o pananakit. Kung mayroon ang iyong anak ng sakit sa atay o bato, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan bago ibigay ang mga gamot na ito. Sabihin sa tagapangalaga kung nagkaroon ang iyong anak ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura o mga bituka.

  • Huwag bigyan ng aspirin ang iyong anak. Hindi kailanman dapat bigyan ng aspirin ang sinumang mas bata sa edad na 18 na may virus o may lagnat. Maaari itong magdulot ng malalang pinsala sa atay o pinsala sa utak, o kamatayan.

  • Huwag bigyan ang iyong anak ng anumang iba pang gamot nang hindi muna tinatanong ang tagapangalaga ng kalusugan.

  • Huwag bigyan ng gamot para sa ubo o sipon ang batang wala pang 6 na taong gulang maliban kung sabihin ng tagapangalaga na gawin ito. Hindi tumutulong ang mga ito sa maliliit na bata. Maaaring magdulot ang mga ito ng malulubhang side effect.

Paggamot sa pagbabara ng ilong

  • Maaari kang sabihan na gumamit ng pampatak sa ilong ng tubig-alat (saline). Ang mga ito ay upang tumulong na mapanipis ang uhog sa ilong. Hindi mo kailangan ng reseta. Maaari ka ring gumamit ng 1/4 na kutsarita ng asin na hinalo ng mabuti sa 1 tasa ng tubig. Maaari kang maglagay ng 2 hanggang 3 patak ng tubig-alat (saline) na pamatak sa bawat butas ng ilong bago pasingahin ang iyong anak. Gamitin ang mga ito bago kumain o matulog ang iyong anak.

  • Tulungan ang iyong mas matandang anak na suminga nang tama. Hugasan ang iyong mga kamay pagkatapos hawakan ang ginamit na mga tisyu.

  • Para sa mas maliliit na mga anak, gamit ang saline na pamatak sa ilong at maliit na pansipsip sa ilong (bulb syringe) para sipsipin ang uhog mula sa ilong. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan o pharmacist kung hindi mo alam kung paano gumamit ng bulb syringe. Hugasan ang iyong mga kamay pagkatapos gamitin ang bulb syringe o hawakan ang ginamit na mga tisyu.

  • Para mas maginhawa ang paghinga habang natutulog, gumamit ng malamig na pasingaw (cool-mist humidifier) sa silid ng iyong anak. Linisin at tuyuin ang humidifier araw-araw. Ito ay upang maipigilan ang pagtubo ng bakterya at amag. Huwag gumamit ng pasingaw ng mainit na tubig (hot-water vaporizer). Maaari itong makapaso.

  • Maaari ding makaramdam ng mas maginhawa ang iyong anak nang nakaupo sa may singaw na banyo (steamy bathroom) nang hanggang 10 minuto.

Pagbibigay ng mga likido

  • Painumin ng maraming likido ang iyong anak. Ito ay upang maiwasan ang pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration) at makatulong na paluwagin ang mga plema sa baga.

  • Mga bata na 1 taong gulang at mas matanda: Maaaring mas gusto nila ng malalamig na inumin, nagyeyelong mga panghimagas, o ice pops. Maaaring gusto rin nila ang mainit na sabaw o inumin na may lemon at pulot. Huwag bigyan ng pulot ang iyong nakababatang anak na wala pang 1 taong gulang.

  • Para sa sanggol na wala pang 1 taong gulang: Magbigay ng kaunting gatas ng ina, formula, o oral rehydration solution sa iyong sanggol. Gumamit ng medicine dropper kung kinakailangan. Bigyan ng 1 hanggang 2 kutsarita kada 10 hanggang 15 minuto. Ang sanggol ay maaari lamang pakainin nang pasaglit-saglit. Kung ikaw ay nagpapasuso, kumuha at magtabi ng gatas para ipasuso sa kanya sa ibang panahon. Bigyan ang iyong anak ng oral rehydration solution sa pagitan ng mga pagpapakain. Mabibili mo ito sa mga grocery store at botika. Hindi mo kailangan ng reseta.

Pagtulong sa pagtulog

  • Bigyan ang iyong anak ng maraming panahon na makapagpahinga. Karaniwan sa sakit na ito ang nahihirapang makatulog.

  • Mga bata na 1 taong gulang at mas matanda: Patulugin ang iyong anak sa bahagyang patayong posisyon. Para makatulong ito na mas madaling makahinga. Kung posible, iangat ang bandang ulo ng kama nang bahagya. O itaas ang ulo ng iyong mas matandang anak at itaas na bahagi ng katawan gamit ang mga dagdag na unan. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol sa kung gaano itataas ang ulo ng iyong anak.

  • Para sa isang sanggol na wala pang 1 taong gulang: Huwag kailanman gumamit ng mga unan o patulugin ang iyong sanggol nang nakadapa o nakatagilid. Dapat matulog nang nakatihaya ang mga sanggol na mas bata sa 12 buwan. Huwag gumamit ng mga upuan na pangkotse, stroller, swing, baby carrier, at baby sling para sa pagtulog. Kung makatulog ang iyong sanggol sa isa sa mga ito, ilipat siya sa isang patag at matatag na ibabaw sa lalong madaling panahon na magagawa mo.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tulad ng ipinayo.

Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Lagnat (tingnan ang Lagnat at mga bata, sa ibaba)

  • Mga sintomas na hindi gumagaling sa loob ng 2 hanggang 3 araw

  • Lumalala ang iyong sintomas

  • Hindi gumagaling ang paghinga sa loob ng ilang araw

  • Nawawalan ng gana ang iyong anak o kaunti ang nakakain

  • Nagpapakita ang iyong anak ng mga senyales ng pagkatuyo ng tubig sa katawan, tulad ng panunuyo ng bibig, umiiyak nang walang luha, o pag-ihi ng mas kaunti kaysa normal

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:

  • Hirap sa paghinga na lumalala

  • Paghingasing na lumulubha

  • Matinding pagkaantok o hirap gumising

  • Pagkatuliro

  • Pagkahimatay

  • Pag-ubo ng dugo

  • Nagkukulay asul, lila, o abo ang mga labi o balat

  • Hindi makapagsalita o makasagot

Lagnat at mga bata

Gumamit ng digital na thermometer para suriin ang temperatura ng iyong anak. Huwag gumamit ng mercury thermometer. Mayroong iba't ibang uri at gamit ang mga digital na thermometer. Kabilang sa mga ito ang:

  • Sa puwit. Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, pinakatumpak ang temperatura sa puwit.

  • Noo (temporal). Gumagana ito sa mga batang nasa edad 3 buwan at mas matanda. Kung may mga senyales ng sakit ang batang wala pang 3 buwang gulang, maaari itong magamit bilang unang pass. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Tainga (tympanic). Tumpak ang temperatura sa tainga pagkatapos ng edad na 6 na buwan, ngunit hindi bago ang edad na ito.

  • Kili-kili (axillary). Ito ay hindi gaanong maaasahan ngunit maaaring magamit para sa unang pass upang tingnan ang batang anuman ang edad na may mga palatandaan ng sakit. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Bibig (oral). Huwag gumamit ng thermometer sa bibig ng iyong anak hanggang siya ay hindi bababa sa 4 na taong gulang.

Gamitin ang thermometer sa puwit nang maingat. Sundin ang mga direksyon ng gumagawa ng produkto para sa tamang paggamit. Dahan-dahan itong ipasok. Pangalanan ito at tiyaking hindi ginagamit sa bibig. Maaari din itong magpasa ng mga mikrobyo mula sa dumi. Kung hindi ka OK sa paggamit ng thermometer sa puwit, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ang gagamitin sa halip. Kapag makikipag-usap ka sa sinumang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak, sabihin sa kanya kung anong uri ang ginamit mo.

Nasa ibaba ang mga patnubay upang alamin kung may lagnat ang iyong maliit na anak. Maaari kang bigyan ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng iba’t ibang numero para sa iyong anak. Sundin ang mga partikular na tagubilin ng iyong tagapangalaga.

Mga sukat ng lagnat para sa sanggol na wala pang 3 buwang gulang:

  • Una, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano mo dapat kuhanin ang temperatura.

  • Puwit o noo: 100.4°F (38°C) o mas mataas

  • Kilikili: 99°F (37.2°C) o mas mataas

Mga sukat ng lagnat para sa batang edad 3 buwan hanggang 36 na buwan (3 taon):

  • Puwit, noo, o tainga: 102°F (38.9°C) o mas mataas

  • Kilikili: 101°F (38.3°C) o mas mataas

Tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan sa mga kasong ito:

  • Temperatura na paulit-ulit na 104°F (40°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad

  • Lagnat na 100.4° F (38° C) o mas mataas sa sanggol na mas bata sa 3 buwan

  • Lagnat na tumatagal ng lampas sa 24 na oras sa batang wala pang 2 taong gulang

  • Lagnat na tumatagal ng 3 araw sa batang 2 taong gulang o mas matanda

Online Medical Reviewer: Daphne Pierce-Smith RN MSN
Online Medical Reviewer: Liora C Adler MD
Online Medical Reviewer: Ronald Karlin MD
Date Last Reviewed: 12/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer