Metabolic Syndrome: Ang Iyong Panganib ng Sakit na Nagtatagal at Paulit-ulit
Ang metabolic syndrome ay isang kundisyon na maglalagay sa iyo sa mataas na panganib ng seryoso at pangmatagalang (chronic) mga problema sa kalusugan. Hindi ito sakit. Wala kang mararamdamang mga sintomas. Sa halip, ang metabolic syndrome ay kapag mayroon kang 3 o higit pa sa 5 kadahilanan ng panganib. Maaari kang gumawa ng aksyon para kontrolin ang mga ganitong dahilan. Tutulungan ka nitong mapababa ang iyong panganib sa mga pangmatagalang problema sa kalusugan. Mapapabuti mo ang iyong kalusugan.

Ano ang metabolic syndrome?
Ang metabolic syndrome ay isang grupo ng mga dahilan ng panganib. Ang pagkakaroon lamang ng kahit 1 dahilan ng panganib ay nagpapataas ng iyong tsansa sa problema sa kalusugan. Bawat dagdag na dahilan ng panganib ay higit pang magpapataas sa iyong tsansa na magkaroon nito. Ito ang mga bagay na maaaring sukatin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Ang mga dahilan ng panganib ay:
-
Timbang, lalo na sa palibot ng baywang (labis na katabaan ng tiyan)
-
Lebel ng mga taba (triglycerides) sa dugo
-
Lebel ng HDL (mabuting) kolesterol
-
Presyon ng dugo
-
Lebel ng asukal sa dugo
Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong mga resulta. Itanong kung ano ang ibig sabihin ng mga ito para sa iyo.
Metabolic syndrome at hindi gumagaling na sakit
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang metabolic syndrome ay nauugnay sa maraming pangmatagalang problema sa kalusugan. Kabilang sa mga ito ang sakit sa puso, istrok, at diyabetes. Ang taong may metabolic syndrome ay:
-
5 beses na malamang magkaroon ng type 2 diyabetes
-
2 beses na malamang magkaroon ng sakit sa puso
-
2 hanggang 4 na beses na malamang ma-istrok
-
3 hanggang 4 na beses na malamang atakihin sa puso
-
5 beses na malamang magkaroon ng katamtamang mga problema sa pag-iisip (nahihirapang mag-isip o cognitive impairment)
-
2 beses na mas malamang na magkaroon ng hindi gumagaling na sakit sa kidney
Dinodoble rin ng metabolic syndrome ang iyong panganib ng pagkamatay mula sa alinman sa mga ito.
Metabolic syndrome at sakit sa puso
Kung may metabolic syndrome ka, mas malamang na ang mga arterya na nagdadala ng dugo papunta sa iyong puso ay kumipot na o barado na ng mga naipong taba na tinatawag na plaque. Pinababa nito ang dami ng dugo at oksihino na nakakaabot sa puso. Hahantong ito sa pananakit ng dibdib (angina) o atake sa puso.
Metabolic syndrome at diyabetes
Isa sa palatandaan ng metabolic syndrome ang mas mataas na lebel ng asukal (glucose) sa iyong dugo. Isa rin ito sa palatandaan ng papunta na sa pagiging diyabetiko (prediabetes). Kapag mayroon kang prediabetes, tataas ang iyong panganib na magkaroon ng diabetes. Ang diabetes ay kapag hindi makagawa ng sapat na insulin ang iyong katawan. O hindi magamit nang normal ng katawan mo ang insulin. Isang metabolic na karamdaman ang type 2 diyabetes.
Metabolic syndrome at istrok
Pinatataas ng metabolic syndrome ang iyong panganib para sa stroke. Ang ischemic stroke ay kapag kumipot o barado na ang mga arterya na nagdadala ng dugo sa iyong utak. Maaaring mangyari ang hemorrhagic stroke dahil sa mataas na presyon ng dugo at diabetes. Sa paglipas ng panahon, pinatataas din ng metabolic syndrome ang iyong panganib ng banayad na pinsala sa kakayahan ng isip.
Paano ginagamot ang metabolic syndrome?
Dahil pinatataas nito ang panganib ng mas malubhang pangmatagalang (hindi gumagaling) mga kondisyon, mahalaga ang paggamot. Nakatutok ito sa pangangasiwa ng mga dahilan ng panganib. Pinakamadalas na kasama nito ang mga pagbabago sa pamumuhay. Nakapokus ang mga pagbabagong ito sa 3 malalaking bagay:
-
Pagbabawas ng timbang. Bawat kilo na mababawas sa iyo ay mabuti sa katawan mo at sa puso mo. Magpapabuti ng iyong lebel ng kolesterol at triglyceride ang pagbabawas ng timbang. Pabababain nito ang iyong presyon ng dugo. At pagbubutihin nito ang iyong lebel ng asukal sa dugo.
-
Pagkain ng mas masusustansyang pagkain. Tinutulungan ka ng matalinong pagpili ng pagkain na magkaroon ng mas magandang lebel ng iyong kolesterol, presyon ng dugo, at asukal sa dugo. Nakakatulong din sa iyo ang malulusog na pagpili sa pagkontrol ng iyong timbang.
-
Pagiging mas aktibo. Ang pagiging aktibo ay isa sa pinakamabuting mga pagbabago na magagawa mo para sa iyong puso. Kapag ginawa ito kasabay ng pagkain nang tama at aktibidad, tutulong ito sa iyo na mabawasan ang ekstrang timbang. Tumutulong ang pagiging aktibo na mapababa ang asukal sa dugo at pinatataas ang lebel ng HDL.
Napakahalaga rin na huwag manigarilyo. At maaaring magreseta ng mga gamot ang iyong tagapangalaga ng kalusugan. Ito ay upang matulungan kang pamahalaan ang kolesterol, presyon ng dugo, o asukal sa dugo. Pinakamabisa ang mga gamot kapag ginamit kasabay ng pagbawas ng timbang, pagkain ng masustansyang pagkain, at mas maraming aktibidad. Kung niresetahan ka ng mga gamot, alamin kung ano ang iyong iniinom. Inumin ang mga ito ayon sa itinagubilin.
Maaari ka nang kumilos ngayon upang tumulong na mapababa ang iyong panganib para sa mga malalang kondisyon ng kalusugan. Pamahalaan ang iyong kinabukasan. Gumawa ng mga pagbabago na tutulong na protektahan ang iyong katawan at maiwasan ang mga seryosong problema.